• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

3 NPA Patay sa Engkwentro sa Sorsogon

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Patay ang 3 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na makasagupa ang mga sundalo sa Sitio Baybay ng Brgy Tinago sa Bayan ng Juban sa Lalawigan ng Sorsogon dakung alas 5:40 ng umaga, Oktubre 21.

Matapos ang 25 minutong palitan ng putok narekober sa pinangyarihan ang dalawang AK50, isang kalibre 45 na baril, mga IT equipments tulad ng dalawang laptop, anim na USB, at isang external drive, pitong backpack na may mga personal na kagamitan, mga subersibong dokumento, apat na cellphone, isang GPS, isang binocular at 15 metro ng wire.

Ayon kay LtCol Beerjenson N Aquino, Battalion Commander ng 31IB, nagsasagawa ng security operations ang mga elemento ng 903rd Brigade at 31IB na pinamumunuan ni 2Lt Eddie B Badol sa nasabing lugar kaugnay sa gaganaping Medical, Optical, Legal and Dental (MOLD) Mission sa Magallanes, Sorsogon ng makasagupa nila ang mahigit kumulang sa 15 NPA sa pamumuno ni Andres Hubilla alyas Magno/Bunso/Carlo, miyembro ng Executive Committee o Komiteng Tagapagpaganap/Kalihiman ng Bicol Regional Party Committee (BRPC).

Kaaagad naman na dinala sa SORDOC Hospital ang dalawang sundalo na kinilalang sina Cpl GB B Guaza at Pfc Jonar M Morales na tinamaan ng mga shrapnel habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga nasawing rebelde.

Nagsasagawa na ng pursuit operation ang mga sundalo kasama ang K9 Units laban sa mga nagsitakas na rebelde kasabay sa mas pinaigting na siguridad sa nasabing lugar.

Nagpaabot naman ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing rebelde si Col Cesar M Idio, Commander ng 903rd Infantry Brigade kasabay ng pangako na magpapatuloy ang mga kampanya ng 903rd Brigade upang makamit ang kapayapaan, pag-unlad at kasaganaan sa Sorsogon sa pamamagitan ng Civil Military Operation (CMO) at mga operasyong militar upang makatulong at matugunan ang mga isyu sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at harapin ang mga teroristang mga aktibidad ng mga rebelde.    

Bago magretiro sa serbisyo, una nang pinag-utos ni MGen Yerson E Depayso ang pagsupil sa mga armado na patuloy na nagpapahirap sa mga kababayan sa pamamagitan ng pangongotong at pananakot. “Maigting ang ating pagpapatupad ng seguridad lalo na sa mga lugar na may mga impormasyon tayo nang presensya ng mga rebelde. Hinihimok namin ang mga kapatid natin na rebelde na bumaba at mamuhay ng matiwasay sa piling ng kanilang pamilya. Tutulungan sila ng gobyerno na magsimulang muli” dagdag ni MGen Depayso.