• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

2 NPA Patay, 5 Matataas na Kalibre ng Baril Narekober ng Philippine Army sa Engkwentro sa Camarines Sur

 

 

CAMP ELIAS ANGELES Pili, Camarines Sur- Dalawang (2) New Peoples’ Army ang nasawi at limang (5) matataas na kalibre ng baril ang narekober ng Philippine Army matapos na makasagupa ang mga rebelde sa Sitio Panag, Brgy. Gibgos sa Bayan ng Caramoan sa Lalawigan ng Camarines Sur, alas 10:20 ng umaga, Enero 18.

Nagsasagawa ng Security Operations sa lugar ang pinagsamang elemento ng 83rd Infantry Battalion at 91st Division Reconnaissance Company ng Philippine Army na pinamumunuan ni Lt Raydez Acosta nang makasagupa nila ang mahigit kumulang sa 14 NPA sa ilalim ng pamumuno ni Francisco Mendoza alyas Omeng.

Napilitang tumakas ang mga rebelde matapos ang 15 minutong palitan ng putok. Narekober ng mga sundalo sa pinangyarihan ang tatlong (3) M16 rifles, isang (1) M653 Carbine rifle, isang (1) M203 Grenade Launcher, tatlong (3) Improvised Explosive Device (IED), tatlong (3) back packs at mga subersibong dokumento. Kasama sa mga ito ang mga labi ng 2 rebelde na kinilalang sina Rodulfo B. Fuentabilla alyas Ronel at Nike Rebuya alyas Mike at isa ang nahuling miyembro ng armadong grupo na kilala sa alyas na Ghie. Walang naiulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo.

Agad na nagsagawa ng pursuit operations ang 9th Infantry Division para tugisin ang mga nagsitakas na rebelde.

Ayon kay BGen Ferdinand F. Quidilla, Commander ng 9ID, ang naganap na sagupaan ay bunga ng mas pinaigting na kampanya ng 9ID laban sa mga rebelde. Patuloy din umano na magsasagawa ng mga security operations ang 9ID upang makamit na ang tunay na seguridad sa buong Rehiyon ng Bicol.