• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

2 NPA Patay, 4 Armas Nasamsam sa Engkwentro sa Camarines Sur

CAMP ELIAS ANGELES Pili, Camarines Sur – Dalawang kasapi ng New People’s Army NPA ang nasawi sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng grupo dakong alas 12:50 ng hapon, Pebrero 3, sa Barangay San Isidro sa Bayan ng Bato sa Lalawigan ng Camarines Sur.

Ayon kay Col. Perfecto Peñaredondo, Commanding Officer ng 2nd Infantry Battalion, 9th Infantry Division, Philippine Army nagsasagawa ng security operation sa lugar ang mga elemento ng naturang batalyon sa pamumuno ni 1Lt. Estaris nang makasagupa ang mahigit kumulang 10 mga rebelde matapos makarating sa himpilan nito ang impormasyon ng presensiya ng mga armadong NPA sa naturang lugar.

Narekober sa lugar ng engkwentro ang bangkay nang dalawang hindi pa kilalang NPA at apat na matataas na kalibre ng baril. Wala namang nasugatan sa panig ng pamahalaan. Nagpapatuloy pa ang pursuit operation ng mga sundalo sa mga nagsitakas na iba pang miyembro.

Tiniyak naman ni Brig. Gen. Ferdinand F. Quidilia, Commander ng 9th Infantry Division, Philippine Army na patuloy na paigtingin ang security operation sa tulong ng mga lokal na opisyal at residente sa mga lugar na may presensiya ng armadong NPA upang bantayan ng mga sundalo ang kaligtasan ng mga sibilyan laban sa abuso at pananakot ng mga rebeldeng grupo.