• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Seguridad Pinaigting ng Philippine Army kasunod ng engkwentro sa mga NPA

 

 

CAMP ELIAS ANGELES Pili, Camarines Sur – Pinaigting ng Philippine Army ang seguridad kasunod ng mga engkwentro sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA), pinakahuli ang nangyaring sagupaan dakong alas 9:50 ng umaga, Marso 19, sa Barangay Salvacion sa Bayan ng San Lorenzo Ruiz sa Lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon kay Brig. Gen. Amador T. Tabuga, Jr., Commander ng 902nd Infantry Brigade ng 9th Infantry Division ng Philippine Army nagsasagawa ng security operation ang kanyang mga tauhan sa naturang lugar nang makasagupa ang limang NPA.

Walang naiulat na nasugatan sa panig ng pamahalaan at hindi naman matiyak sa hanay ng mga rebelde sa bakbakan.

Samantala, siyam na backpack na naglalaman ng personal na kagamitan ng mga NPA at mga bala ang narekober ng mga sundalo ng 49th Infantry Battalion sa Barangay San Rafael sa Bayan ng Lupi sa Lalawigan ng Camarines Sur dakong alas 4:07 ng madaling araw, Marso 19.

Ayon sa report, nagsasagawa ng combat operation sa lugar ang naturang mga sundalo nang madiskubre ang mga backpack ng NPA.

Nanawagan ang mga sundalo sa mga residente sa lugar na kaagad na ipagbigay alam sa pinakamalapit na kampo ng sundalo ang mga bagay na naiwan ng mga NPA sa mga nakaraang engkwentro upang hindi na makapagdulot ng peligro sa mga sibilyan lalo na sa mga pampasabog na posibleng naiwan ng mga nagsitakas na mga rebelde.