• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Police Director General Ronald M. Dela Rosa Bumisita sa 9ID

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Pinangunahan ni Maj. Gen. Manolito P. Orense, Commander ng 9th Infantry Division ang pagsalubong kay PNP Chief, Police Director General Ronald M. Dela Rosa kasunod ng pagbisita nito sa Headquarters ng 9ID kaninang alas 2:00 ng hapon, Setyembre 16.

 

Ang pagbisita ni PDG Dela Rosa sa 9ID ay bahagi ng kanyang mga aktibidad kaugnay sa pagdalo niya bilang Panauhing Pandangal at Tagapagsalita sa ika-115 Police Service Anniversary na ginanap sa Police Regional Office 5, Camp Ola, Legazpi City kaninang umaga.

 

Ayon kay Maj. Gen. Orense, isang pambihirang pagkakataon na mabisita ng pinakamataas na pinuno ng PNP ang isang kampo ng Philippine Army kung kaya itinuturing niya itong isang karangalan para sa 9ID. Siniguro rin ng Commander ng 9ID sa PNP Chief na patuloy itong makikiisa at makikipagtulungan sa kampanya ng PNP na sugpuin ang illegal na droga sa bansa. Patunay umano dito ang pagsama ng mga sundalo ng 9ID sa mga anti-drug operations na isinasagawa ng PNP sa rehiyon.

 

Isang taos-pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ni PDG Dela Rosa sa mainit na pagtanggap sa kanya ng pamunuan ng 9ID. Naniniwala umano siya na hindi pababayaan ni Maj. Gen. Orense si Police Chief Superintendent Melvin Ramon G. Buenafe, Acting Regional Director ng Police Regional Office 5 sa kampanya nito laban sa kriminalidad at illegal na droga. Nagpaalala din ang Chief PNP na huwag ipagsawalang bahala ang State of Lawlessness Violence na idineklara ni President Rodrigo Roa Duterte. Malayo man daw ang Rehiyon ng Bicol sa Davao City kinakailangan pa rin na maging maingat at mapagmatyag ang lahat upang maiwasan ang kaparehong trahedya na nangyari sa Davao City kamakailan lamang.

 

Ang pagbisita ni PDG Dela Rosa sa 9ID ay pagpapakita lamang ng magandang ugnayan ng PNP at Philippine Army sa bahaging ito ng bansa.