• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Karagdagang Tulong mula sa Bikol para sa Marawi City Dumating na

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Dumating dakong alas 4:30 ng hapon nitong Lunes, Hulyo 10, sa piyer ng Iligan City ang karagdagang tulong mula sa rehiyon ng Bikol para sa mga apektadong residente ng Marawi City kaugnay ng mahigit sa isang buwang bakbakan sa pagitan ng mga teroristang Maute group at ng tropa ng pamahalaan.

Lulan ng M/V Lander Peter cargo ship ang halos 200 sako ng bigas, mahigit sa 100 karton na naglalaman ng mga relief goods, mga damit at 800,000 pisong cash na nalikom ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa loob ng halos tatlong linggo mula sa ating mga kababayang Bikolano na nagbigay ng tulong para sa mga kapatid natin  na naipit sa krisis sa  Marawi City.

Opisyal nang ibinigay ni Captain Ronnie Madriñan, Team Leader ng mga sundalo mula sa 9th Infantry Division, Philippine Army ngayong Martes, Hulyo 11, ang naturang mga relief goods at cash kay Abdulrahman C. Gandamra, Executive Assistant III, Office of the Mayor, Marawi City, Lanao Del Sur. Sa 800,000 pisong halagang ibinigay na tulong sa mga taga Marawi ay ang 700,000 nito’y nagmula sa subsistence allowance ng mga sundalo ng 9ID.

Nagpaabot naman ng suporta ang ilang Bikolanong kabataan sa mga Sundalo at Pulis na nasa Mindanao sa pamamagitan ng isang liham. Laman ng liham ang kanilang pagpapasalamat sa mga sundalo at pulis sa patuloy nilang pagtataguyod ng kapayapaan sa buong bansa. Hangad din nila ang kaligtasan ng bawat sundalo at pulis na nasa gitna ng labanan sa Mindanao.

KIatuwang ng 9th Infantry Division sa nasabing proyekto ang mga Non Government Organizations, PNP, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), National Food Autority, 9ID Press Corps, at lahat ng pamahalaang panlalawigan sa Bikol.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Maj. Gen. Manolito Paat Orense, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army sa lahat ng mga Bikolano na nagbahagi nang cash at mga relief goods dahilan ng tagumpay ng proyektong ito gayundin kay Governor Joseph Boboy Cua ng Catanduanes at may-ari ng naturang cargo vessel dahil sa libreng sakay na naghatid ng tulong para sa ating mga kababayan sa Marawi City.