• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Inspeksyon ng Kagamitan at Tropa ng SRR Cluster, Isinagawa

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, San Jose, Pili, Camarines Sur – Matagumpay na isinagawa ang inspeksyon ng kagamitan at mustering ng tropa ng Search, Rescue, and Retrieval Cluster sa himpilan ng Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL) sa Barangay Rawis, Legazpi City, dakong alas 8:00 ng umaga, Enero 28.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa sa pangunguna ni Lt. Gen. Danilon G. Pamonag, Commander ng Southern Luzon Command na may layuning makita ang kaayosan at kahandaan ng nasabing grupo sa pagtugon sa anumang sakuna kaugnay ng pagputok ng Mayon Volcano sa lalawigan ng Albay.

Kasama sa mga dumalo sa nasabing kaganapan ay sina Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr., Commander ng 9th Infantry 9Spear) Division, Brig. Gen. Arnulfo C. Matanguihan, Assistant Division Commander ng 9ID at kasalukuyang pinuno nang binuong Task Force “Sagip”, Brig. Gen. Claudio L. Yucot (Ret.) ng Office of the Civil Defense Region 5 at mga kinatawan mula sa PNP Regional Office 5, Tactical Operation Group 5 ng Philippine Air Force, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Lt. Gen. Pamonag, mahalaga ang mga isinasagawang paghahanda sa pagharap sa banta ng kalamidad kaugnay ng pagputok ng bulkang Mayon. Aniya, kinakailangan dito ang ibayong koordinasyon ng mga kinauukulang ahensiya ng ating pamahalaan para masiguro ang kaligtaasan ng mga apektadong mamamayan sa nabanggit na lalawigan.

Kaugnay nito, muling nag bigay ng paalala si Maj. Gen. Manangquil sa mga Albayano na makukuha ng lalawigan ang minimithing “zero casualty” kung patuloy na makikipagtulongan ang bawat mamamayan sa mga ginagawang hakbangin ng lokal na pamahalaan sa pagharap ng kasalukuyang kalamidad. Sinabi rin ng heneral na dapat sumunod at makiisa ang bawat residente sa mga alituntuning ipinapatupad ng mga kinauukulan upang maging maayos at madali ang pagbibigay aksyon sa mga suliranin. .

Siniguro din ng pinuno na nakahandang magpadala ng karagdagang sundalo at mga rescue teams ang 9ID upang matiyak ang kaligtasan at walang mapahamak sa mga apektadong residente. Dagdag pa dito, nanawagan din ang pinuno sa bawat isa na makipagtulongan sa kinauukulan upang mapigilan ang anumang banta na pwedeng gawin ng mga terorista at iba pang grupo habang abala ang lahat sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan.