• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Philippine Army at Teroristang NPA Nagka-engkwentro sa Ragay, Camarines Sur

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur—Muling nagka-engkwentro ang mga sundalo at mga teroristang New People’s Army sa Barangay Salvacion, Ragay, Camarines Sur dakong alas 8:30 ng umaga, Mayo 13.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng 9th Infantry Division, Philippine Army nagsasagawa ng security operation sa lugar ang mga sundalo ng 96th Infantry Battalion nang makasagupa nito ang hindi malamang bilang ng mga terorista.

Patay sa naturang engkwentro ang dalawang sundalo kung saan kabilang ang isang opisyal ng nasabing yunit. Agaran namang naglunsad ng pursuit operation ang mga sundalo upang tugisin ang mga nagsitakas na mga rebelde na nagresulta sa isa na namang engkuwentrong naitala dakong 10:20 ng umaga sa Barangay Patalunan ng kaparehong bayan.

Tumagal ng halos sampung minuto ang palitan ng putok ng pangalawang sagupaan kung saan daglian namang nagsitakas ang mga rebelde. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagtugis sa  nasabing grupo habang hindi muna pinapangalanan ang mga sundalong nasawi sa bakbakan.

Matatandaan ang nasabing yunit ay ipapadala ng 9ID sa bilang dagdag puwersa na magbibigay seguridad sa gaganaping Barangay and SK Election sa Mayo 14.

Kaugnay ng pangyayari, sinabi ng pamunuan ng 9ID na patuloy pa rin itong maglulunsad ng security operations upang mahadlangan ang anumang kaguluhan na puwedeng gawing ng sinumang grupong nagnanais maghasik karahasan sa nalalapit na eleksyon. Hindi umano magiging hadlang ang pangyayari upang maantala ang paglatag ng seguridad at siniguro ng pamunuan na kontrolado pa rin ng awtoridad ang situwasyon sa kabila ng sunod sunod na pangyayari.

Muling nanawagan ang kumander ng 9ID sa lahat ng mga kasapi ng teroristang grupo na igalang ang karapatan ng mamayan sa pagpili ng kanilang magiging lider. Hinikayat din ng pinuno ang mga NPA na ibaba na ang kanilang mga armas at iwan na ang marahas na pakikibaka upang makamit na ang tunay na katahimikan at kaunluran. Sinabi rin nitong ang paggamit ng dahas ay hindi paraan upang magkaroon ng tunay na pagbabago.

Dagdag pa nito, bukas pa rin umano ang pinto ng pamahalaan sa sinumang nagnanais ng sumuko. Nariyan pa rin umano ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na siyang nakalaang programa ng gobyerno para sa kanilang pagbabagong buhay.

Sa kabilang dako, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan sa pamilya ng mga nasawi kasabay nang pagpupugay sa kadakilaan ng dalawang sundalong nagbuwis ng buhay. Aniya, isa lamang umano itong pagpapatunay ng kagitingan ng mga kasundaluhan sa pagtugon sa kanilang sinumpaang tungkulin kahit ang kapalit ay kanilang buhay.