• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Isang Engkuwentro Naganap sa Masbate

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur—Isang engkuwentro ang naganap sa pagitan ng tropa ng 22nd Infantry (Valor) Battalion at teroristang NPA sa Purok Mangga, Barangay Mactan, Cawayan, Masbate dakong 9:37 ng umaga, Agusto 3.

 

Sa ulat na nakarating sa 9th Infantry (SPEAR) Division, nagsasagawa ng security patrol ang isang iskwad ng CAFGU mula sa Del Carmen Detachment nang makasagupa nito ang tinatayang 30 teroristang NPA sa nasabing lugar.

 

Umabot sa 20 minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig kung saan ito ay nag resulta sa pagkakasawi ng dalawang CAFGU Active Auxillary (CAA) at pagkakasugat ng apat pa nitong kasamahan. Kaagad namang nagsitakas ang mga terorista tangay ang mga nasawi at nasugatan sa kanilang hanay. Patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang isinasagawang pursuit operation ang tropa ng pamahalaan upang tugisin ang mga terorista.

 

Samantala, hindi muna pinangalanan ng pamunuan JTF Bicolandia ang mga nasawi upang bigyang daan ang pormal na pagpapaabot balita sa kanilang mga pamilya habang dinala naman sa pagamutan ang iba pang sugatan.

 

Sa isa pang hiwalay na insidente, pinasabog ng 10 hinihinalang teroristang NPA ang isang construction equipment (backhoe) sa Sitio Villaganas, Barangay Malbug, Cawayan dakong 6:00 ng umaga ng kaparehong petsa. Ang nasabing ekwipo ay gamit sa paggawa ng barangay road sa nasabing lugar sa ilalim ng PAMANA Project.

 

Kaugnay ng pangyayari, kinundena ng pamunuan ng JTF Bicolandia sa pamumuno ni Maj. Gen. Jesus A Manangquil JR AFP ang paghasik ng karahasan ng mga teroristang NPA sa lalawigan ng Masbate. Sinabi nitong ang pagsira sa construction equipment ay isa lamang pagpapakita ng kanilang pagiging desperado kung saan pinapatunayan lamang nito na isang hadlang ang kanilang kilusan sa kaayusan at kaunlaran ng rehiyon. Dagdag pa ng pamunuan, hindi umano magiging hadlang ang mga karahasang ito upang mapigilan ang mga hakbangin ng mabibigay ng progreso sa mga pamayanan.

 

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng JTF Bicolandia sa pamilya ng nasawing miyembro CAFGU. Aniya, ang pagbuwis nila ng buhay ay sumisimbolo sa kadakilaan at kabayanihan ng isang Pilipinong naghahangad ng tunay na katahimikan at kaunlaran. Sa kabila ng mga pangyayari, patuloy pa rin ang panawagan nito sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko na at magbalik loob na sa pamahalaan.  Sinabi rin nitong ang paggamit ng dahas upang lutasin ang mga suliranin ng lipunan ay hindi angkop sa isang sibilisadong pamayanan. Dagdag pa dito, may nakahanda umanong programa ang pamahalaan sa sinumang susuko sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.