• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Bagong Commander ng 9ID, Itinalaga

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur- Pormal ng umupo ang bagong Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army matapos ang Change of Command Ceremony na ginanap sa General Lukban Grandstand sa Punong Himpilan nito, alas 9:00 ng umaga, Desyembre 19.

Ang naturang seremonya ay pinangunahan ni Lt. Gen. Macairog S. Alberto, Commanding General ng Philippine Army na siya ring naging tampok na bisita sa okasyon.

Pinalitan ni Maj. Gen. Fernando Tolentino Trinidad AFP si Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr. AFP, na nakatakdang magretiro na sa serbisyo sa Desyembre 24 kasabay ng kanyang Ika-56 na kaarawan matapos itong magsilbi ng mahigit sa 37 taon sa AFP.

Sa mensahe ng magreretirong heneral, malugod itong nagpaabot ng pasasalamat sa kanyang mga nasasakupan sa isang taon nitong paninilbihan bilang pinuno ng Philippine Army sa Bikol.

Samantala, si Maj. Gen. Trinidad ay dating Deputy Chief of Staff for Intelligence (J2) sa Punong Himpilan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas bago pa ito maiupong pinuno ng 9ID. Siya ay dati na rin nanilbihan sa rehiyon ng Bikol bilang Battalion Commander ng 31st Infantry Battalion na nakakasakop sa lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte noong 2005-2007 at bilang Brigade Commander ng 903rd Brigade na nakakasakop naman sa lalawigan ng Sorsogon at Masbate noong 2015-2017. Siya ay miyembro ng PMA Class 1987.

Sa kanyang ipinaabot na mensahe, siniguro ni Maj.Gen.Trinidad na ipagpapatuloy nito ang mga programang isinasagawa ng Spear Division katuwang ang iba’t ibang sector ng lipunan. Dagdag pa ng pinuno, tinatanggap niya ng taos puso ang tungkuling nakaatang sa kanyang bagong posisyon at hangad niya umanong makamit ang tunay na kapayapaan sa rehiyon.

Ilan sa inaasahang ipatutupad ng bagong pinuno ay ang mas pinaigting na mga operasyon laban sa mga teroristang NPA.