• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

9ID, Nakiisa sa Unity Walk at Peace Covenant Signing

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur- Nakiisa ang 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army sa inilunsad na Nationwide Simultaneous Unity Walk, Interfaith Prayer Rally and Peace Covenant Signing para sa 2019 Midterm Election na ginanap sa mga pangunahing lungsod ng Rehiyong Bikol dakong alas 6:00 ng umaga, Enero 13.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Commission on Elections (COMELEC), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Department of Justice (DOJ), mga Non-Government Organizations, mga estudyante, mga lokal na kandidato, at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Layunin nito na maisulong ang matagumpay at mapayapang halalan sa darating na Mayo 13, 2019. Ito ay sabayang isinagawa sa mga lugar na nasasakupan ng 9ID kabilang na ang Camarines Sur Police Provincial Office at Plaza Quezon sa lungsod ng Naga,Eco-Athletic Field sa Daet, Camarines Norte, Camp Gen. Simeon Ola sa lungsod ng Legazpi, Sorsogon City Gymnasium sa lalawigan ng Sorsogon,  Camp Bonny Serrano sa lalawigan ng Masbate at Plaza Rizal sa Catanduanes.

Bilang simbolo ng pagkakaisa at paghahangad ng mapayapang halalan, ilang makahulugang aktibidad ang isinagawa sa nasabing programa. Isa na dito ang panunumpa ng mga kandidato bilang pagsunod sa mga alituntuning ipinapatupad ng COMELEC at pagpapasaklaw sa kasunduang nilagdaan sa pamamagitan ng Peace Covenant. Bilang pagtatampok sa programa, nagpalipad ng mga kalapati ang mga kalahok bilang simbolo ng pakikiisa sa layuning magkaroon ng maayos at mapayapang halalan.

Napagkasunduan din sa nasabing aktibidad ang hindi pagpapasaklaw at pagsunod ng mga kandidato sa mga extortion schemes na ipinapatupad ng teroristang CPP-NPA, tulad na lamang ng permit to campaign at permit to win (PTC/PTW).

Kaugnay nito, nagbigay rin ng paalala ang COMELEC sa mga kandidato na iwasan ang paninira at personal na pag-atake sa mga katunggaling pulitiko upang maiwasan ang anumang karahasan.

Samantala, nagpaabot naman ng mensahe at pasasalamat si Maj. Gen. Fernando T. Trinidad, Commander ng 9ID at Joint Task Force Bicolandia, sa PNP at COMELEC sa pagsasagawa ng ganitong aktibidad na may adbokasiyang magkaroon ng mapayapa at tahimik na halalan.

Sa pamamagitan ng mga kinatawan ng JTF Bicolandia, tiniyak ng heneral na magiging patas ang mga sundalo sa pagtupad ng kanilang tungkulin upang mapangalagaan ang kaayusan at integridad ng darating na halalan. Dagdag pa ng pinuno, magpapadala rin ng mga karagdagang puwersa ang kanyang pamunuan sa mga kritikal na lugar sa rehiyon upang masiguro ang katahimikan at kaayusan sa gaganapin na Midterms Election 2019.