• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Dalawang Kasapi ng NPA Sumuko sa Masbate

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur- Dalawang, kasapi ng New People’s Army ang boluntaryong nagbalik-loob kasunod nang isang matagumpay na pakikipag-ugnayan na isinagawa ng mga sundalo mula sa 2nd Infantry (Second to None) Battalion at Alpha Company ng 22nd Infantry (Valor) Battalion sa Lanang Patrol Base, Brgy. Lanang, Aroroy, Masbate dakong alas 5:00 ng hapon, Enero 21.

Kinilala sa kanilang mga alyas ang dalawang sumuko na sina aka Renz, 36 at aka Maya, 39 na pawang mga residente ng Brgy. Balete ng kaparehong bayan habang ipinapasailalim pa ang mga ito sa debriefing.

Sa kanilang pagbabalik-loob, isinuko rin ng mga dating rebelde ang isang M16 rifle at isang magazine na naglalaman ng 17 na bala. Ayon sa kanilang pahayag, sila ay naging kasapi ng teroristang grupong kumikilos sa bayan ng Baleno at Aroroy sa nasabing lalawigan kung saan naging saksi sila sa mga ginagawang pang-aabuso ng mga NPA lalong-lalo na ang sapilitang pangingikil nito ng pera sa mga negosyante at maliliit na mamamayan bilang “revolutionary tax”.

Sinabi rin ng mga sumuko na ang samo’t saring hirap sa loob ng kilusan at takot ang nag-udyok sa kanila upang iwan ang marahas na pakikibaka. Dagdag pa dito, nakikita rin umano nila ang mga pagbabago sa kanilang mga dating kasamahan na una nang nagbalik-loob sa pamahalaan. Matatandaan na noong Enero 9 lamang ay nagkaroon ng isang Presentation of Former Rebels Ceremony para sa 189 na dating miyembro ng NPA sa bayan ng Cataingan na dinaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.  

Ayon sa Joint Task Force Bicolandia sa pamumuno ni Maj. Gen. Fernando T. Trinidad AFP, ang tumataas na bilang ng mga sumusukong NPA ay patunay lamang na namumulat na sa katotohanan ang mga kasapi ng teroristang grupo hinggil sa mga huwad na ideolohiyang pinaniniwalaan nito at mga panlilinlang na ginawa ng mga kadre upang sila ay sumama sa kilusan.

Kaugnay nito, siniguro rin ng pinuno na JTF Bicolandia na bukas ang kanyang pamunuan sa sinumang nagnanais na magbalik loob sa pamahalaan kasabay ang panawagan sa lahat ng mga kasapi ng CPP-NPA na ibaba na nito ang kanilang mga armas at iwan ang marahas na pakikipaglaban. Ayon pa sa Heneral, ang paggamit ng dahas ay hindi paraan upang magkaroon ng mga tunay na pagbabago. Hinikayat din nito ang natitirang kasapi ng NPA na kunin ang pagkakataong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makapagbagong buhay kasama ang kanilang pamilya at mamuhay ng payapa sa kani-kanilang mga komunidad.